Impormasyon sa Tagalog
Naglalaman ang Tagalog na bersiyon ng Website ng Kawanihan ng Transportasyon at Lohistika ng piling mahahalagang impormasyon lamang. Maaari ninyong maakses ang buong nilalaman ng aming Website sa Ingles, Tradisyunal na Tsino o Pinasimpleng Tsino.
Maligayang pagdating sa Homepage ng Kawanihan ng Transportasyon at Lohistika ng Pamahalaan ng Espesyal na Administratibong Rehiyon ng Hong Kong.
Ang Kawanihan ng Transportasyon at Lohistika ay may pananagutan sa patakaran para sa pag-unlad ng transportasyon at lohistika ng Hong Kong.
May pananagutan ang Kawanihan namin sa pagbabalangkas ng mga patakaran sa mga bagay na may kaugnayan sa panloob at panlabas na transportasyon ng Hong Kong, kabilang ang mga serbisyo sa himpapawid, transportasyon sa lupa, transportasyong pandagat at lohistika. Naglalayon ang mga patakarang ito na mapahusay at mapatatag ang katayuan ng Hong Kong bilang isang internasyonal na sentro ng transportasyon, isang internasyonal na sentro ng pagpapalipad, at pati na rin isang rehiyonal na sentro ng lohistika.
Sa lokal na transportasyon, patuloy naming gagamitin ang mga riles bilang gulugod ng ating pampublikong sistema ng transportasyon at ipapatupad ang mga proyekto sa riles sa isang maayos at napapanahong paraan. Kasabay nito, magsusulong kami ng iba't ibang mga proyekto sa imprastraktura ng kalsada upang matugunan ang pangkalahatang pangmatagalang pangangailangan sa pagpapaunlad ng Hong Kong. Nakatuon din kami sa pagpapabuti ng kalidad ng mga serbisyo ng pampublikong transportasyon at panghihikayat sa paggamit ng mga serbisyong ito. Bukod dito, sinisikap naming itaguyod ang "Matalinong Mobilidad," mapabuti ang kaligtasan sa kalsada, at pagyamanin ang isang kapaligirang naaangkop para sa mga naglalakad. Hinahangad naming higit pang mapahusay ang ating koneksiyon sa Mainland sa pamamagitan ng paggawa ng mga bago at pag-upgrade ng mga umiiral na imprastraktura ng transportasyon sa pagtawid sa hangganan.
Sa larangan ng transportasyong panghimpapawid, sinisikap naming mapanatili at mapahusay ang katayuan ng Hong Kong bilang isang internasyonal at rehiyonal na sentro ng pagpapalipad, sa pamamagitan ng pagpapalawak ng aming network ng mga serbisyo sa himpapawid, pakikipagtulungan sa Awtoridad ng Paliparan upang gawing isang Paliparang Lungsod ang Pandaigdigang Paliparan ng Hong Kong at pagtataguyod ng pagsasanay sa lakas-tao sa pamamagitan ng International Aviation Academy nito, pagtataguyod ng kaligtasan at kahusayan sa transportasyong panghimpapawid, at pagpapayaman sa aming mga kalakasan sa pagpapalipad sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga internasyonal na lupon tulad ng International Civil Aviation Organization at International Air Transport Association.
Para naman sa pandagat na pagpapaunlad, patuloy naming proaktibong pauunlarin at itatatag ang posisyon ng Hong Kong bilang isang napakahalagang sentro ng mga serbisyong pandagat at isang importanteng sentro ng transshipment sa rehiyong Asya-Pasipiko. Patuloy naming pananatilihin ang mga kalakasan ng aming daungan: mataas na kahusayan, mahusay na pagkakakonekta at malawak na saklaw, at itataguyod ang mas malawak na aplikasyon ng digital na teknolohiya sa mga proseso ng negosyo at operasyon sa industriyang pandagat at ng daungan.
Ang Hong Kong ay matagal nang isang rehiyonal na sentro ng lohistika sa Asya na suportado ng aming mga kalakasan sa pagpapalipad at pandagat na lohistika. Bukod sa pagpapalakas ng ating posisyon bilang isang internasyonal na sentro ng pagpapalipad at pandagat na sentro, pinapalakas namin ang papel ng Hong Kong bilang isang rehiyonal na sentro ng lohistika sa pamamagitan ng pag-upgrade ng imprastraktura at pagsasanay sa lakas-tao upang mapahusay ang pagkamapagkumpitensiya ng sektor ng lohistika ng Hong Kong. Nagsusumikap kaming bumuo ng napakahalagang mga serbisyong lohistika at hinihikayat ang mas malawak na paggamit ng teknolohiya sa industriya ng lohistika upang mapataas ang kahusayan at produktibidad, upang higit pang mapadali ang daloy ng impormasyon sa lohistika at mga kalakal sa Guangdong-Hong Kong-Macao Greater Bay Area sa pamamagitan ng pagpapabuti ng multimodal na operasyon, upang aktibong suportahan ang paglago ng industriya, at pati na rin upang madagdagan ang suplay ng lakas-tao sa pamamagitan ng propesyonal na pagsasanay at promosyon.
Upang ganap na samantalahin ang napakalawak na mga oportunidad na nagmumula sa "Balangkas ng Ika-14 na Limang Taong Plano para sa Pambansang Pag-unlad ng Ekonomiya at Lipunan ng Republikang Bayan ng Tsina at Mga Pangmatagalang Layunin Hanggang Taong 2035," sa Belt and Road Initiative at sa pagpapaunlad ng Greater Bay Area, nagsusumikap kaming itaguyod ang mas malapit na pakikipagtulungan sa Mainland pagdating sa pagpapaunlad sa pagpapalipad, mga operasyong pandagat at lohistika, at makamit ang mas mahusay na integrasyon sa pambansang pag-unlad upang makadagdag sa mga bentaha at makamit ang mga benepisyo para sa magkabilang panig.
Sa Homepage na ito, makikita ninyo ang komprehensibong impormasyon tungkol sa aming organisasyon, mga layunin ng patakaran at pinakabagong mga balita tungkol sa aming mga aktibidad. Umaasa ako na magiging kapaki-pakinabang at nagbibigay-kaalaman ito sa inyo. Malugod na tinatanggap ang mga suhestiyon at komento ninyo.
Masiyahan sana kayo sa pag-surf sa aming Homepage.
Ang mga Layunin ng Patakaran ng Kawanihan ng Transportasyon at Lohistika -
I. Sistema ng Tulong sa Pamasahe sa Pampublikong Transportasyon
Inilunsad ng Pamahalaan ang Iskema ng Tulong sa Pamasahe sa Pampublikong Transportasyon noong 2019 hanggang ngayon upang maibsan ang pasanin sa pamasahe ng mga bumibiyahe sa mga serbisyo ng lokal na pampublikong transportasyon para sa pang-araw-araw na pagbibiyahe nila at medyo mataas ang gastusin sa pampublikong transportasyon para sa kanila. Para sa higit pang mga detalye tungkol sa Iskemang ito, mangyaring mag-click dito (https://www.ptfss.gov.hk/en-main.html#/en-home).
II. Pondo para sa Pagsasanay sa mga Serbisyong Pandagat at Pagpapalipad
Ang Pondo para sa Pagsasanay sa mga Serbisyong Pandagat at Pagpapalipad (MATF) ay nagsimula noong Abril 1, 2014. Layunin nitong bumuo sa takdang panahon ng isang masigla, sari-sari at mapagkumpitensiyang grupo ng mga propesyonal at teknikal na kawani upang suportahan ang pag-unlad sa hinaharap ng Hong Kong sa dalawang sektor. Taglay ang kabuuang pangako na $500 milyon pagdating ng taon ng pananalaping 2023-24, ang MATF ay nagpapanatili at nagpapahusay sa suporta ng Pamahalaan para sa pagpapaunlad ng lakas-tao at pagsulong ng mga industriya sa serbisyong pandagat, pagpapalipad at lohistika.
Mga iskema na pinatatakbo sa ilalim ng MATF:
Serbisyong Pandagat | Pagpapalipad | Lohistika |
![]() |
![]() |
![]() |
Para sa mga katanungan, mangyaring mag-email sa matf@tlb.gov.hk o tumawag sa hotline ng MATF sa 3509 7261.